Mga Kuwentong Dagli

symbianize

Techie
Pinoy Techie
"hon, bad news." bungad niya sa kaniyang asawa sa telepono. "nalulugi ang kumpanya, kaya kailangan magbawas ng mga tao. Kasama ako sa mga matatanggal. I'm sorry."

"it's okay hon. Wala ka dapat ipagpasensiya, ginagawa mo ang lahat para buhayin ako." mahinahong sagot ng kausap sa kabilang linya. "mahal na mahal kita. Alam ko kaya natin 'to. Malaki ang tiwala ko sayo hon, makakahanap karin ng trabahong para sayo. Nandito lang ako laging sumusuporta sa'yo."

"maraming salamat hon. Hindi talaga ako nagkamali na pakasalan kita. Maliban sa pagiging tapat mo sa akin, lagi kang nandiyan sa tabi ko."

"oh tama na ang drama! Uwi ka na hon, may surprise ako sayo!"

Dinig niya ang pagtili sa boses ng asawa, tantiya niya ang pagkasabik sa tono nito. Napangisi siya at bahagyang napaisip kung ano ang supresang sasalubong sa kaniyang pag-uwi.

"hi hon!" mabilisang halik ang pinagsaluhan nilang mag-irog pagpasok palang niya sa tarangkahan ng kanilang bahay. "halos liparin ko ang kahabaan ng expressway maka-uwi lang kaagad. Sabik ako sa surprise mo, ano ba iyon?"

"hmn, hulaan mo." pilyang sagot ng kausap.

"sirit."

"not fair, kailangan hulaan mo para may thrill."

"hmn, bagong damit?"

"hindi."

"sapatos?"

"nope."

"bagong necktie?"

"actually hindi siya bagay hon." hinalikan siya ng asawa sa pisngi. "isang good news!"

"really? What is it?" yapos niya sa kabiyak, bakas sa kaniyang mukha ang pagka-enganyo.

"magiging tatlo na tayo sa bahay!" tiling sagot ng kausap. "magiging tatay ka na! buntis ako hon!"

Biglang nagdilim ang kaniyang paningin. Nasundan pa ng panibagong tili ang loob ng bahay, isang masakit na hiyaw.

"pu&$@?#na ka! Baog ako!"

~

Pabalik-balik ako sa paglalakad. Hindi mapakali. Nakatingin sa akin ang malamig na tasa ng kape sa gilid ng lamesa, nagmamakaawang sayarin ko na ang laman.

"oh kamusta si nanay?" bati ko kay Celso, ang nakakabata kong kapatid, pagkaluwa sa kaniya ng pinto ng kwarto ni nanay.

"malubha na kuya." naluluha niyang tugon. "ayaw ko man harapin ang katotohanan at ayaw ko 'tong paniwalaan, pero....."

Tumigil siya sa paglalahad. Naudlot din ang aking paghinga.

"naghihingalo na siya kuya."

"dalhin natin siya sa hospital! Walang problema sa gastos! Madami akong pera! Kayang-kaya natin siya ipagamot sa mga magagaling na espesiyalista!"

"ayaw na niya pumunta sa hospital kuya. Hindi na niya raw matiis ang dami ng karayom na tinutusok sa kaniya." malumany niyang sagot, ngunit dama ang pagkadalamhati sa kaniyang boses. "meron siyang isang hiling sa'yo kuya."

"ano iyon?" tila huminto sa pagkabog ang puso ko.

Binuksan niya ang pinto ng kuwarto ni nanay. Tumambad sa akin ang tuyo't payat na payat niyang katawan. Nakakapangalambot sa tuhod ang dulot ng kaniyang imahe.

"simple lang kuya." panimula niyang usal sa katanungan ko. "gusto niyang maramdaman ang yakap mo sa huling pagkakataon."

Nanikip ang dibdib ko. Nagtampisaw ang luha sa aking mga mata.

"kailan ka ba uuwi ng pinas kuya?" dugtong niya, habang nakikipagtitigan sa akin sa monitor ng kumpyuter.

~

"ano pang ginagawa mo? Maghubad kana. Mag-uumaga na oh, marami pa akong customer na nakapila."

Pinitik niya ang upos sa sigarilyong naka-ipit sa pagitan ng kaniyang mga daliri, kasabay sa pagkalas ng lock sa suot na bra gamit lang ang isang kamay.

"150 sa subo. 300 pag all the way." sinalpak niya sa bibig ang yosi at hinila pababa ang bulaklaking panty. "kailangan ko pa bang sabihin sa'yo 'to? Sa tingin ko memorize mo na 'to e, araw-araw ba naman nandito ka."

"oh, hindi ka pa ba hubad? Ano ba! Nagmamadali ako! Marami pang naka-abang na parokyano sa labas." humilata siya sa kama pagkatapon sa filter ng sigarilyo, ibinuka ang mga hita. "Ta$¥&@#na wag mong ipuputok sa loob ah! Para sigurado."

Umiyak ang lalake sa nasaksihan. Sinapo ang ulo at pinigilan sa abot ng kaniyang makakaya ang mga hikbing kumakawala sa dibdib.

"sige na, dalhin niyo na siya. Pupuntahan ko na lang ang opisina niyo bukas ng umaga para sa mga papeles." uminom siya ng tubig at pinakalma ang sarili bago ituloy ang sasabihin sa mga bisitang naka-unipormeng puti. "please, gawin niyo ang lahat ng makakaya niyo para gumaling ang anak ko."

"Bryan!" tahol niya sa isa sa kaniyang mga tagapaglingkod. "tawagin mo ang mga pulis. Isusuko ko na ang negosyo natin."

~

Maliban sa ikot ng electricfan, tanging mga ungol nilang dalawa ang maririnig na ingay sa loob ng kwarto. Hapong-hapo silang magkapatong sa ibabaw ng kama. Basa ang katawan sa laway at pinagsaluhang pawis.

"sigurado ka bang gusto mong gawin 'to?" wika ng lalake nang kumalas mula sa pagkakayakap sa babae. "i mean, kahit saan handa kitang samahan. Kahit sa kabilang buhay pa."

"mahal na mahal kita. Sa kabilang buhay lang tayo magiging malaya at masaya." sagot ng babae, muling niyakap ang lalake at saka binitawan ng isang malambing na halik sa labi. "gusto kitang makasama habang buhay ng ubod ng saya. Ito lang ang paraan na alam ko."

"naiintindihan ko. Lahat ay gagawin ko para sa'yo."

Magkasabay silang umupo sa gilid ng kama pagkakuha sa tubig na inalukan ng lason. Nagkatinginan pa ang mga 'to na sinundan agad ng isang ma-alab na halikan. Pinalaro ang dila at ginalugad nila ang kalaliman ng bibig ng bawat isa.

"handa ka na ba?" pangungusap ng lalake, kasabay sa paglapit ng baso sa kaniyang labi. "sabay nating gawin."

"handa na ako. I love you so much. Sa wakas, makakasama na kita ng walang hanggan, ng buong saya at pagmamahalan. Kung saang walang tutol sa relasyon nating dalawa. Kung saang walang bawal o patakaran sa pag-iibigan ng dalawang tao. Mahal na mahal kita, kuya."

~

"patay na ba?" kakaba-kaba nitong tanong. Isinuksok ang baril sa beywang at lumapit sa pwesto ko. "suriin mong mabuti tol."

"bullseye pre, wala na siyang pulso." tumayo ako mula sa pagsalat sa leeg ng lalakeng butas ang sentido, buhat sa bala ng kwarenta'y-singko na armas. "apir! Wala na ang swapang! Tayong dalawa nalang ang magpapartihan!"

"medyo naguguilty ako tol." bumunot siya ng sigarilyo at agad humitit ng usok pagkabaga nito. "sama-sama tayong tatlong nangholdap sa bangkong iyon. Nagpakahirap. Kaso, nakuha natin siyang treydorin at patayin. Sa palagay mo, hindi kaya tayo ang swapang?"

"pu&%£#@! Ngayon kapa naduwag!" binuksan ko ang limang bag na pinagkukublihan ng limpak-limpak na pera. "kilala mo iyang ulol na iyan! Ganid yang pu€£@#nang yan e! Sigurado ako na lalamangan lang tayo sa hatian niyan!"

"pare, kung gusto mong umasenso, utak ang gamitin mo! Huwag puso!" hindi magkamayaw ang mga kamay ko sa pagbilang ng mga salapi. Sinasabayan pa ng pagning-ning ng aking mga mata. "sa dami nito, mamumuhay hari tayo pare!"

Hinarapan ko siya para pakita ang mga perang nakulimbat namin. Sabik na pag-usapan ang tungkol sa pagpapartihan naming dalawa.

"tayo?" usal niya, kasabay sa pagtutok sa mukha ko ng kwarenta'y-singko. "pasensiya na tol, pero tama ka. Simula ngayon, utak na ang gagamitin ko."
 

Similar threads


Top Bottom